1 of 109

MGA KUWENTO SA YUNIT III

2 of 109

LAKI SA HIRAP

NI

LUIS GATMAITAN

3 of 109

4 of 109

5 of 109

GUSTO KONG MAGREKLAMO sa aking Tatay. Kasi’y mula ng pagkabata, kulang na ako sa maraming bagay sa buhay: magandang damit, masarap na pagkain, at maayos na bahay.

Iyong mga damit namin, panay luma. Karamihan dito’y bigay ng mga kamag-anak o kapitbahay na naaawa sa amin.

“Pangmayaman lang ‘yung pumipili pa ng damit,” paalala ni Nanay.

6 of 109

Sa pagkain, salat din kami. Kung hindi gulay puro isda naman. Biro ko kay Nanay, “tutubuan na kami ng kaliskis sa kakakain ng isda!”

“Anak, pinagkakasya lang natin ang suweldo ng inyong Tatay,” pagpapaunawa ni Nanay. “ At saka, masustansiya naman ang gulay at isda! Aba, ‘yan ang kinakain ngayon ng mayayaman!”

7 of 109

Ang dami rin naming magkakapatid. Nandiyan sina Dodong, Jeng-jeng, Klang-klang, at Boom-Boom. Lumalaki ang aming pamilya. Pero hindi naman nadadagdagan ang suweldo ni Tatay. Kakaunti na nga ang pagkain, marami pa kaming naghahati-hati sa kakainin.

“Laging nagsasakripisyo ang panganay, “ paalala ni Tatay.

8 of 109

Gusto ko sanang isagot, “Bakit po kasi kayo nag-anak ng marami?” Pero hindi na lang ako kumibo. Madalas, nahihiya akong pumasok sa eskuwelahan. Sino bang matutuwa sa kupasing uniporme, lumang sapatos na halos mabutas na ang suwelas, at pinaglumaang bag?

9 of 109

Lagi akong nagkukubli kapag kakain ng baong pang-tanghalian.

Hindi ko maipagmalaki ang baon ko: kung hindi nilagang itlog ay tuyo, o galunggong, o talong. Sa ulam pa lang, kitang-kita na ang pagkakaiba ng mayaman sa gaya kong mahirap.

“Uy Millet, nandiyan ka pala! Halika, sabay tayong kumain. Hati tayo sa ulam ko. Hati rin tayo sa ulam mo,” bati ng isa kong kaklase.

10 of 109

A, kay hirap maging mahirap. Pilit naming pinagkakasya ang lahat. Ang pagkain namin sa araw-araw ay halos hindi sumasapat.

Dumating man ang pasko o bertdey, hindi uso ang bagong sapatos at damit. Hanggang tingin na lang ako sa mga bagay na gusto ko.

Paano kaya kami makakaahon sa buhay na mahirap?

11 of 109

Isang gabi, nilagnat ng mataas si Tatay. Matindi ang kanyang ubo. Ilang araw siyang hindi nakapamasada sa traysikel. Simula noon, hindi na ako nakakita ng isda sa aming hapag. Puro gulay na lang. Naging mas malabnaw rin ang gatas na dinedede ni Baby. Wala na kaming baong pera. Wala na akong maipambili ng project sa eskuwelahan.

12 of 109

“Kailangan kasi tayong bumili ng gamot para kay Tatay,” paliwanag ko sa aking mga kapatid.

Tumagal pa ng ilang araw ang sakit ni Tatay. Lalong nabawasan ang inihahandang pagkain ni Nanay. Hindi na rin kami nakakapasok sa eskuwelahan kasi’y wala na kaming baon. Nang gabing ‘yun, narinig kong nag-uusap sina Tatay at Nanay.

“Pahintuin muna kaya natin sa pag-aaral si Millet?’ sabi ni Nanay.

13 of 109

Naku, huwag na huwag! Ipangutang mo muna para may pambaon”,” sagot ni Tatay. “Hindi siya dapat huminto ng pag-aaral. Hindi siya dapat magaya sa atin. “ Matatag ang tinig ni Tatay.

“Pero marami na tayong utang…” Tutol ni Nanay.

“Basta’t gawan mo ng paraan. Dadagdagan ko pa ang aking sipag ‘pag gumaling ako. Hindi tayo maghihirap nang ganito kung nakatapos tayo ng pag-aaral…”

14 of 109

A, kaya pala pilit nila akong iginagapang sa pag-aaral. Kaya pala sobrang pagtitipid ang ginagawa nila sa araw-araw. May pangarap sila para sa akin. Gusto rin nilang umunlad ang aming buhay.

Hindi ko pala dapat ikahiya ang aming kahirapan. Ang mahalaga, may pagkakataon akong makaahon sa buhay-mahirap.

15 of 109

Kinabukasan, tinipon ko ang aking mga kapatid. Sinabi ko sa kanilang kailangan naming tulungan sina Tatay at Nanay para hindi kami mahinto ng pag-aaral. Kung namamasada si Tatay at naglalabada si Nanay, kami naman ay nagtitinda ng Banana Q, turon at samalamig, doon mismo sa harap ng aming munting bahay.

16 of 109

Marunong na akong magluto kasi ako lagi ang nakaalalay kina Nanay at Lola sa kusina.

“Sige, Ate, tulong-tulong tayo!” hiyaw ng mga kapatid ko.

“Ako ang tagabalat ng saging!”prisinta ni Klang-Klang.

“Ako naman ang magduduro ng saging sa stik!” ani Dodong.

“At ako ang magpiprito ng turon at banana-Q mga apo,” sabad ni Lola na nakikinig pala sa aming plano.

17 of 109

Binasag ko ang aking alkansiyang baboy. Binilang ko ang lahat ng mga perang naipon at napamaskuhan ko. Kulang ng konti sa limang daang piso! Puwede nang puhunan para makabili ng ilang piling na saging, mantika, at asukal na pula.

18 of 109

Nagulat sina Nanay at Tatay nang makitang may nakalagay na isang mesa at isang lumang payong sa harap ng aming bahay. Dinumog ng mga kapitbahay ang aming mga paninda. Lalo akong sinipag.

Pagkatapos bawasin ng puhunan, binigyan ko ang pambaon sina Dodong, Jeng-jeng, at Klang-Klang. At nakapagbigay pa kami ng konting pera kay Nanay.

19 of 109

“Bukas ulit, Ate, magtinda tayo ng banana Q,” hiyaw ni Klang-Klang.

“Dagdagan pa natin ng kamote-Q,” susog ni Dodong.

Sumabad si Nanay, “Papayagan ko kayong magtinda sa hapon basta’t ipangako n’yong hindi n’yo pababayaan ang pag-aaral.

Sunod-sunod na tango ang sagot naming magkakapatid.

20 of 109

Nabalitaan ng mga guro ko na nagtitinda kami ng banana-Q, kaya pati sila ay regular nang umoorder sa amin. Minsan nga, ginawa pa akong halimbawa ni Ma’am Tessie Arenas sa klase.

“Itong si Millet, dapat nating pamarisan….”

21 of 109

Sabi ni Ma’am, hindi puwedeng asahan ang lotto o mga game shows sa TV para umunlad ang aming buhay. Hindi maaaring puro “abilidad” lang. Kailangang may pundasyon. At mas may laban daw sa buhay kung nakatapos ng pag-aaral. Laki ako sa hirap. Pero alam kong isang araw , mas bubuti ang lagay ng aming buhay.

22 of 109

Ang sabi, “Hindi kasalanang ipinanganak na mahirap. Pero malaking kasalanan kung mamatay nang mahirap.

Kaya heto estudyante ako sa umaga, tapos tindera naman sa hapon. At hinding-hindi ko ikinahihiya ‘yun.

23 of 109

Sa ngayon, kailangang magtiis ang aming buong pamilya. Sulsihan ang mga lumang damit. Magkasya sa bahay na maliit. Magtipid at mag-impok. Huwag magsimula ng kahit anong bisyo. Magtiyagang mag-aral hanggang sa makatapos. Magkaroon ng disenteng hanapbuhay sa hinaharap. At makatulong din kagaya kong dumadaan sa hirap.

24 of 109

Nangako rin si Tatay na bunso na si Boom-Boom. Hindi na siya masusundan ng isa pang kapatid. “Pupunta kami ng Nanay mo sa health center at magtatanong kami tungkol sa family planning.” Hindi nagtagal at muling nagbalik ang lakas ni Tatay. Bukod sa pamamasada, sinimulan na rin niya ang isang maliit na talyer sa aming bakuran. Si Nanay naman, nagsimulang magluto ng all-year round na bibingka at puto-bungbong katabi ng aming banana –Q. Sosyo sila ni Lola.

25 of 109

Ang buhay daw, sabi ni Lola, ay parang gulong. Minsan, ito’y nasailalim, minsa’y nasa ibabaw. Sa ngayon, nasa ilalim ang gulong namin. Pero sa tulong ng aking mga magulang, na nangakong igagapang akong makapagtapos ng pag-aaral, alam kong pasasaan ba’t gugulong din ito…nang paibabaw.

26 of 109

MARIANG SINUKUAN

NI

EUGENE EVASCO

27 of 109

28 of 109

May diwatang tagapag-ingat ang Bundok Arayat. Siya’y si Mariang Sinukuan, ang anak ni Aring Suku, ang hari ng araw ng mga Kapampangan. Nakatira ang diwata sa ginintuang palasyo sa tuktok ng bundok upang matanaw nang husto ang sariling kaharian.

29 of 109

Binabantayan niya ang mga alagang hayop at kulisap sa bundok. Napakaamo ng mga ito at hindi takot sa tao. Hindi niya pinahihintulutang mag-away ang mga alaga. Pinalalaro niya ang mga orkidyas at pinababango ang mga bulaklak. Tinitiyak din ng diwata na namumunga sa tamang panahon ang mga tanim niyang puno.

30 of 109

Pinalulusog sila ng dalawampu’t limang dalaga na laging bumababa sa bayan para bumili ng darak na makakain. Tuwang-tuwa ang taong-bayan sa mga butil ng ginto na bayad sa kanila ng mga katuwang. May dalawampu’t limang katuwang na dalaga ang diwata. Sila’y mga Ita na inatasan ng diwata na mag-alaga sa mga baboy-ramo sa Bundok Arayat.Tulad ni Mariang Sinukuan, balot ng mamahaling alahas ang mga Ita. Ang mga hayop na alaga ay maligayang-maligaya sa Arayat.

31 of 109

Sinasabing hindi nauubusan ng ginto sa palasyo ni Mariang Sinukuan. Bumubukal pa ng mga mamahaling bato tulad ng diyamante, rubi, sapiro, at Esmeralda sa palasyo. Ang mga ito’y handog ng engkantong minsang umibig kay Mariang Sinukuan. Kung bumababa ng bundok ang diwata at bumibisita sa bayan, suot niya ang magarang damit na yari sa lantay na ginto.

32 of 109

Pinagniningning ang kanyang damit ng mga mamahalin at makukulay na bato. Napatitig ang lahat sa kagandahan ni Mariang Sinukuan. “Hayan na ang diwata! Hayan na ang diwata!” sigaw ng mga batang manghang-mangha.

33 of 109

Kapag nalalapit na ang pista o anumang kasiyahan sa bayan, nagpapahiram ng mga kuwintas, singsing at hikaw si Mariang Sinukuan sa mga dalaga. Pinahihiram din niya ng mga kagamitang pangkusina ang mga ito.Yari ang mga ito sa ginto. Agad ding pinahihinog ng diwata ang mga bunga at mga butil ng palay para may maihaing pagkain sa pista.

34 of 109

Nagbibigay din siya ng mga sako ng asukal, harina, malagkit, at niyog sa mga pamilyang hindi nakapag-ani nang masagana.

Pinahihintulutan din ng diwata na makapaligo ang sinumang may karamdaman sa mga bukal sa Bundok Arayat. Nakapagpapagaling ng anumang sakit ang tubig na nagmumula rito.

35 of 109

Malayang makapamasyal ng Bundok Arayat ang mga taga-bayan para masilayan ang palasyo ng diwata. Doo’y nakapamahinga sila at hinahangaan ang paligid. Nakapaglalaro ang mga bata sa hardin ni Mariang Sinukuan. Nakapamimitas sila ng mga bunga at bulaklak. Ang mga bisita sa Arayat ay nabubusog sa meryendang mangga, kaimito, makopa, at dalandan.

36 of 109

Ngunit ipinagbabawal ni

Mariang Sinukuan na mag-uwi ng mga ito sa bayan. “Bumalik na lamang kayo rito,” sabi niya sa mga tao. Laging bukas ang aking kaharian sa sinumang magbabalik.”

37 of 109

Dahil bantog sa kanyang kabutihan, sinuman ay maaaring humiling ng makakain sa diwata.“Mariang Sinukuan, nais naming makatikim ng sinampalukang manok! Mariang Sinukuan, gusto namin ng inihaw na karne! Mariang Sinukuan, nais namin ng sinigang! Mariang Sinukuan, nais namin ng litson!”Pagbalik ng mga humiling sa kanyang tahanan, magugulat

silang nakahain na sa mesa ang

mga hiniling sa diwata.

38 of 109

Isang tag-araw, parang apoy na kumalat ang labis na pagkatuyo ng lupa sa kapatagan. Nalanta ang lahat ng pananim ng mga tao. Natuyo ang kanilang palayan at nagkabitak-bitak ito. Naglaho ang tubig sa mga ilog at sapa. Nakita ito ni Mariang Sinukuan kaya inutusan niya ang dalawampu’t limang katuwang na Ita na mamahagi ng makakain sa taumbayan. “Kaybait ninyo! Kaybuti ninyo!” sabi ng mga tao habang naluluha sa biyayang ipinagkaloob ng diwata ng Bundok Arayat.

39 of 109

Namahagi rin ang diwata ng mga luya sa bawat tahanan. Lubos na nagtaka ang lahat sa mga pirasong ito ng luya at muntik na nila itong itapon. Kinabukasan, nabigla ang taumbayan nang maging mataas na uri ng ginto ang mga luya! Agad ding nagpadala si Mariang Sinukuan ng ulan para manumbalik ang lusog ng lupa sa bayan. Namahagi din siya ng mga binhi ng palay at mais na mabilis tumubo at namumunga nang hitik na hitik.

40 of 109

Lumipas ang panahon at naging sakim ang mga tao. Gusto nilang maangkin ang lahat ng ginto at alahas ni Mariang Sinukuan. Napapagod na sila sa pag-akyat at pagbaba ng bundok kaya hindi na nila ibinabalik ang mga hiniram na alahas sa diwata.Pinatutunaw nila ang kaldero, kawali, sandok at kutsarang ginto ni Mariang Sinukuan para ipagbenta sa mga banyaga.

41 of 109

Dinadaya nila ang dalawampu’t limang Ita kapag nagtitinda sila ng darak. “Kulang pa kayo ng kalahating sako ng ginto,” lagi nilang paratang sa mga katuwang ni Mariang Sinukuan.

42 of 109

Humiling din ang lahat ng kung anu-anong bagong pagkain kay Mariang Sinukuan. “Gusto namin ng adobo! Gusto namin ng morkon! Gusto namin ng menudo, pochero, tocino, longganisa, at kare-kare!”

43 of 109

Nabigla si Mariang Sinukuan. Hindi niya alam kung anu-ano ang mga iyon. Hindi niya kilala ang mga pagkaing ito dahil pagkain ito ng mga banyaga.”Hayaan ninyo at aalamin ko kung paano ito lulutuin,” malungkot na sabi ng diwata sa taumbayan. Galit na galit ang taumbayan dahil hindi ito maibigay sa kanila ng diwata ng Arayat.

44 of 109

Kasama ang mga banyaga, nilusob ng taumbayan ang Bundok Arayat. Pinitas nila ang bawat bunga sa mga puno. Kinuha nila ang mga bulaklak at mga orkidyas. Hinukay nila ang tanim na luya sa pag-aakalang magiging ginto muli ito.

Inuwi nila ang mga baul ng mamahaling bato mula sa palasyo ng diwata. Hinuli nila lahat ng mga baboy-ramo at dinala sa kapatagan. Pagkaraan, kinatay nila ang mga ito at nagdaos ng maagang kapistahan.

45 of 109

Hindi pa nasiyahan ang taumbayan kaya sinalakay nila ang palasyo ni Mariang Sinukuan. Kinuha nila ang dingding na ginto. Pinag-agawan nila maging ang pintong ginto, kurtinang ginto, sahig na ginto, bubong na ginto. Nag-away pa ang ilan sa pagsalakay sa palasyo. Iniuwi nila ang mga ito at ipinagbenta sa ibang bayan.

46 of 109

“Bakit kayo nagkaganyan?” Galit na galit si Mariang Sinukuan sa ginawa ng taumbayan. Nilabag ng mga ito ang kanyang utos na huwag mag-uuwi ng anuman mula sa bundok. Labis itong nagdamdam dahil hindi na nagsasauli ng kagamitan ang mga tao. Nalungkot ang diwata dahil naubos ang kanyang mga alagang bulaklak, orkidyas, at baboy-ramo. Pinutol ang kanyang mga puno. Pinalayas pa ng taumbayan ang dalawampu’t limang Ita na katuwang ng diwata.

47 of 109

Sa tulong ng mga higante at engkanto ng ibang bundok, itinago ni Mariang Sinukuan ang kanyang palasyong ginto sa pinakailalim ng Bundok Arayat. Ang mga sako-sakong luya na ninakaw ng taumbayan ay ginawa niyang mga balang. Dumami ang mga ito at sinalakay ang mga taniman.

48 of 109

Naging kalawangin ang mga kagamitan pangkusina at alahas na hindi ibinalik ng mga dalaga sa diwata ng Arayat. Ang mga mamahaling bato sa mga baul ay naging buhangin. At naging bato ang mga nakaw na ginto.

49 of 109

Hindi na nagpakita pang muli sa taumbayan ang butihing diwata ng Bundok Arayat. Sinumang pipitas ng bulaklak at bunga mula sa bundok ay maliligaw sa gubat at hindi na matatagpuan ninuman. Sinasabi ring ang sinumang magtatangkang bumungkal at tumapyas ng Bundok Arayat para tuklasin ang ginintuang palasyo ay magiging bato.

50 of 109

Ngunit ayon sa ilang sabi-sabi, kapag minsan, may isang marikit na binibini sa Bundok Arayat na masayang kinakausap ang mga hayop, bulaklak, at puno sa gubat, umaawit-awit pa. Hindi takot ang mga usa, baboy-ramo, at mga pambihirang ibon na lumapit sa kanya.Sumasayaw ang mga halaman at namumukadkad ang mga bulaklak kapag lumilitaw ang misteryosang dalaga. Siya kaya ang diwatang si Mariang Sinukuan?

51 of 109

HANDOG KAY ISABELLA

NI

LUIS GATMAITAN

52 of 109

53 of 109

54 of 109

Maaga akong gumising nang araw na ‘yon. May nakatakda kasi kaming test sa eskuwelahan. Pero sinabihan ako ni Nanay na bumalik muna sa higaan.

“Anak, malaki ang baha. Wala raw kayong pasok.”

“Ho? May baha?”

Agad akong dumungaw sa aming bintana. Lampas-tuhod na nga ang baha! Panay kasi ang pag-ulan nitong mga nagdaang araw. Ang nakapagtataka , dati rati namang hindi kami binabaha. Ngayon lang ito nangyari.

“Siguro po, maraming basurang nakabara sa mga kanal,” sabi ko kay Nanay.

55 of 109

“Sabi po ni Titser, dapat daw ibukod ang basurang nabubulok sa di-nabubulok,” sabad pa ni Kuya Ethan na nagising na rin.

Tumulong na lang kami kay Nanay sa paglilinis ng aming bahay.

“Aba, kay sisipag!” bati ni Tatay. “Mabuti pala ang binabaha ang paligid,” biro pa niya.

56 of 109

Ilang araw din bago tuluyang humupa ang baha. Muli kaming nakapasok sa eskwelahan. Pero ang daming kaklase ko na absent. Sabi ni Titser Ligaya, baka nag-aayos pa raw sila ng mga bahay nila.

“Naku, Aryn, may sakit pala ang best friend mo. Nilalagnat daw!” balita ni Levy.

“Ha? Kaya pala ilang araw nang hindi pumapasok si Isabella.

57 of 109

Nagpasama ako kay Levy na dumalaw sa bahay nina Isabella. Pero hindi ko siya nadatnan.

“Dinala na siya ng tatay niya sa ospital kanina. Laging mataas ang lagnat niya noong mga nagdaang araw. Tapos, kung kailan nawala ang kanyang lagnat, saka naman nagdugo ang kanyang ilong!” kuwento ni Lola Luring.

` Ano kaya ang sakit ni Isabella?

58 of 109

Mabilis na kumalat ang balita. Kahit sa radyo at TV ay nababanggit ang aming barangay. Nagkaroon daw ng maraming kaso ng dengue fever sa aming lugar. Kinabahan kaming lahat. Lalo kaming pinag-ingat.

Magsuot ng pantalon at damit na mahahaba ang manggas,” paalala ni Tatay.

“Naku, naku, magpahid ng lotion na ito. Pangontra ito sa lamok,” sabi ni Nanay.

59 of 109

“Huwag na kaya kayong lumabas ng kulambo,” payo ni Lola Luring.

“Umiwas tayo sa lamok na may puting batik,” sabad ni Kuya Ethan.

“Kahit matanda, hindi puwera sa deng-geh…” hirit pa ni Lolo Lauro.

60 of 109

Nalungkot ako nang malamang nagkasakit nga ng dengue fever ang aking kaibigan. Sabi pa ni Titser Ligaya, baka kailangan pa daw na masalinan ng dugo si Isabella.

Nang dumalaw kami ni Nanay sa ospital, hindi ko rin nakausap si Isabella. Natutulog siya. Kay daming tubo at suwero na nakakabit sa kanya. Awang-awa ako kay Isabella.

61 of 109

“Nanay, ganon po ba talaga ‘pag may dengue fever?”

“Oo, Anak, nauwi sa pagdurugo ang kanyang dengue fever. Epekto ‘yon ng labis na pagbagsak ng kanyang platelet count.”

Naalala ko ang turo sa amin ni Titser Ligaya. Importante raw ang platelets para mapatigil ang nagaganap na pagdurugo sa loob ng katawan.

“Hindi ordinaryong lamok ang may dala ng sakit na ito. Ito ‘yong mga lamok na nakatira sa tubig na malilinis gaya ng tubig-ulan. May batik-batik itong puti sa katawan,” paliwanang pa ni Nanay.

Naku, delikado pala ang mga lamok na ‘yon!

62 of 109

Pag-uwi sa bahay, ikinuwento ko kay Tatay ang nangyari kay Isabella. Sabi ko sa kanya, ang sama-sama pala ng lamok na may dala ng dengue virus. Inuubos nito ang ating platelets.

“Tatay, puwede po ba kayong mag-donate ng dugo para kay Isabella? Kasi kailangan daw po niya ng maraming platelets.”

Agad namang tumugon si Taty. “Hayaan mo, Anak at pupunta ako sa ospital para magpasuri. Isasama ko rin ang dalawang kumpare ko.”

63 of 109

Pinakiusapan ko rin ang dalawang tita ko. “Puwede po ba nating bigyan ng dugo si Isabella?”

“Puwedeng-puwede!”

Noon ko lang nalaman na lagi palang nagbibigay ng dugo si Tita Leah sa Blood Center kada ikatlong buwan. Siya rin ang nangumbinse kay Tita Marvee na subukan din niyang mag-donate ng dugo.

64 of 109

“Konting tusok lang ‘yun. Saka konting dugo. Pero ang laki ng maitutulong mo para mabuhay si Isabella o ang ibang taong nangangailangan ng dugo,” paglinaw ni Tita Leah.

Kung gaano kabilis ang balita tungkol sa naging karamdaman ni Isabella, ganoon din kabilis ang pagtugon ng aming mga kabarangay.

65 of 109

Sa isang iglap, nagtugon ang mga tatay ng aming mga kaklase.

Lahat ay handang magbigay ng dugo para makaligtas si Isabella. At hindi lang ‘yon, pati raw pala si Titser Ligaya at ang aming prinsipal ay nandoon din sa Blood Center para magpakuha ng dugo.

66 of 109

Hindi nagtagal at gumaling si Isabella. Ikinuwento ko sa kanya kung paanong kumilos ang aming mga kabarangay para mailigtas ang buhay niya mula sa dengue.

“Kung nakita mo lang kung gaano karami ang nagmamahal sa’yo. At naku, nakapila pa ang gustong maghandog ng dugo sa’yo!”

“Siyanga?” sabi ni Isabella. “ Ang babait nila Aryn, gusto ko ring makatulong sa iba.”

67 of 109

Nang sumunod na linggo, nagpatawag ng pulong ang kapitan ng aming barangay. May mga gagawin daw kaming hakbang para hindi na muling pamahayan ng mga pesteng lamok ang aming lugar. Heto ang mga suhestiyon ng aming mga kabarangay.

  • Padaluyin ang mga nabarang kanal.
  • Itapon ang mga basyong lata bote, at gulong na puwedeng pamahayan ng lamok.
  • I-check ang paligid matapos ang matinding pag-ulan at pagbaha.
  • Gawing regular ang paglilinis ng bakuran.

68 of 109

Kami man sa eskwelahan ay di rin nagpatalo. Nanguna kami ni Isabella sa paglilinis sa paligid ng aming classroom. Naglunsad naman si Titser Ligaya ng paligsahan para sa poster-making at slogan-writing tungkol sa pag-iwas sa sakit na dengue.

69 of 109

Naging mas maingat ang lahat dahil sa nangyaring ito sa aming barangay. Mga basura’y itinatapon na sa tamang lalagyan. Muling dumaloy ang mga tubig sa imburnal. Lahat ng sisidlang naglalaman ng tubig ay aming binabantayan.

Pati ang flower vase ni Titser Ligaya ay hindi napuwera. Walang lamok na dito ay puwedeng tumira.

70 of 109

ANG PUTING SAPATOS

NI

GRACE D. CHONG

71 of 109

72 of 109

“Sapatos!” hula ni Anton sa regalo ng kaniyang Ninang noong kaniyang kaarawan. Tama siya.

“Sapatos!” hula ni Jillian sa regalo ng kaniyang Lola sa kaniya noong Pasko. Tama siya.

“Sapatos!” hula ni Jay sa natanggap niyang regalo mula sa tagapagtaguyod ng paligsahan. Tama siya.

73 of 109

“Sapatos!” “Sapatos!” “Sapatos!” Tama ang hula nilang lahat.

Paanong nahulaan ng lahat ang laman ng nakabalot na regalo?

74 of 109

A, madali lang. Kapag ang regalo ay nanggaling kay Ginang Eva Cruz, tiyak na ang laman nito ay isang pares ng sapatos! Ang mga regalo, gantimpala, at anumang pabuyang galing kay Ginang Cruz, tiyak na ito’y sapatos, sapatos, sapatos!

“Sana, laruang robot naman ang iregalo sa akin ni Tita sa susunod, “ sabi ni Myrna.

75 of 109

“Sana, manyika naman ang iregalo ni Lola sa akin sa susunod,”sabi ni Gladys. “Sana, aklat naman ang iregalo sa akin ni Ginang Cruz sa susunod,” sabi ni Sammy.

“Sana.” “Sana. “ “Sana,” hiling ng bawat isa.

Pero hindi. Ayaw ni Ginang Cruz.

76 of 109

Ang ibinibigay lamang niya ay mga sapatos- magagandang sapatos. Kaya naman hindi nakapagtatakang ang tawag sa kaniya ng kaniyang mga kaibigan, inaanak, pamangkin, apo, kapitbahay, kasamahan sa trabaho, kasamahan sa simbahan , at mga kagawad sa barangay ay Aling Sapatos sa halip na Ginang Cruz. Hindi naman sa hindi sila nasisiyahang tumanggap ng sapatos. Ito’y dahil… minsan, gusto rin naman nilang masorpresa at nang hindi na lang laging tama ang kanilang hula.

77 of 109

May matibay na dahilan si Ginang Cruz kung bakit ang lahat ng kaniyang regalo ay sapatos. Walang nakakaalam kung ano ito; walang makahula. Pilit man nilang tuklasin, wala talagang nakakaalam kung ano ang totoong dahilan.

78 of 109

Ito’y sapagkat ang tunay na dahilan ay nananatiling lihim hanggang ngayon - napakaespesyal kung kaya’t nasa puso lamang ito ni Ginang Cruz. Tanging ang kaniyang mga namayapang magulang at kaisa-isang kapatid na lalaki ang nakakaalam ng lahat-lahat tungkol dito.

79 of 109

Noong musmos pa lamang si Ginang Cruz, mahirap ang kaniyang pamilya pero masaya sila. Hindi nakatapos man lamang ng elementarya ang kaniyang mga magulang. Kung kaya’t kahit sila’y ubod ng sipag, hindi sila nakakuha ng magandang hanapbuhay. Nasa Grade 6 na si Eva nang nagkasakit nang malubha ang kaniyang ama.

80 of 109

Lagi na lamang itong inuubo at hindi na nakapagtrabaho; lagi siyang nakahiga. Kinailangan siyang alagaan. Kinailangan din ng maraming perang pambili ng gamot. Pagdating ni Eva mula sa eskwelahan, aalis naman ang kaniyang nanay.

81 of 109

“Anak, alagaan mong mabuti ang iyong ama habang ako’y naglalaba doon sa malaking bahay.”

“Opo, Inang.”

“At pakitulungan mo na rin ang iyong kapatid sa kaniyang mga takdang-aralin.”

“Opo, Inang.”

82 of 109

Isang araw, may sinabi si Eva sa kaniyang ina, “Inang . . . kailangan daw pong magsuot kami ng puting damit at puting sapatos sa araw ng aming pagtatapos.” Nag-aalala si Eva dahil alam niyang magiging malaking problema ito sa kanilang pamilya. “Oww,” napahinto si Nanay sa ginagawa, napaisip nang malalim.

83 of 109

“Hindi naman po ako kailangang dumalo,” mungkahi ni Eva sapagkat alam niyang hindi kakayanin ng kaniyang nanay na maibili siya ng maisusuot sa Araw ng Pagtatapos. “Siyanga po pala, Inang, kasama po ako sa mga tatanggap ng karangalan” pahabol niyang sabi.

84 of 109

May tatanggapin kang karangalan?” gulat na sabi ng Inang, umapaw sa puso ang kaligayahan. “Naku, kailangan kang dumalo sa iyong pagtatapos, Eva. Napakahalagang okasyon nito. Gagawa ako ng paraan para magkaroon ka ng puting damit at sapatos!”

85 of 109

Nagmamadaling umalis ng bahay ang kaniyang Inang. Nagtanong-tanong siya sa kaniyang mga kaibigang tindera sa palengke. Nagtanong-tanong siya sa kaniyang mga kamag-anak sa kabilang bayan. Nagtanong-tanong din siya sa kaniyang mga kapit-bahay na hindi naniniwalang mahalaga ang dumalo sa Araw ng Pagtatapos.

86 of 109

Sa wakas, nakahiram din ng puting damit ang kaniyang Inang! “Masyadong masikip at masyadong maigsi!” reklamo ni Eva nang isukat niya ang damit. Ito kasi ‘yung panahon na hindi pa uso ang mga damit na mini-skirt.

“Hindi naman ganun kasama. . . ; paubo-ubo-ubong sabi ng nakahiga niyang ama. “Puwede na. . . ; sabi ng kaniyang Inang. “A. . . Opo,siguro nga po,” tugon ni Eva. “Pero wala pa rin po akong puting sapatos!”

87 of 109

“Hmmm, di ba’t may luma kang itim na sapatos? Pintahan mo na lang kaya nang puti,” mungkahi ng kaniyang ama.

“Magandahang ideya ‘yan!” dagdag ni Inang.

Kaya, kasama ang kaniyang kapatid at Inang ay naghahanap sila ng puting pintura - sa ilalim ng mga halaman, sa mga butas ng imburnal, sa pagitan ng mga bakod, sa loob ng

88 of 109

mga sirang timba, at sa ibabaw ng mga yuping balde. Hanggang sa nakahanap sila ng isang lata na tira-tirang pintura sa tabi ng umaapaw na basurahan.

Maingat na pinintahan ni Eva ang kaniyang itim na sapatos.

“Ang ganda na!” puna ng kapatid ni Eva nang makita ang pinintahang sapatos.

Hindi lang basta nagandahan si Eva sa kaniyang sapatos-mukha itong pambihira!

89 of 109

At dumating ang Araw ng Pagtatapos. Ang basketball court ng kanilang eskuwelahan ay napuno ng mga puting bulaklak yari sa papel. Ang mga babaeng kaklase niya ay kaakit-akit sa kanilang mga bagong puting damit. Pilit namang hinahatak ni Eva pababa ang kaniyang hiram na puting damit na saksakan ng sikip.

90 of 109

Hiyang-hiya ang pakiramdam niya; parang di siya nababagay sa grupo. Gusto na niyang umuwi.

Pero hindi siya maaaring umalis. Sa mga panauhing nanunuod ay nandoon ang kaniyang Inang at kapatid na kumakaway at ngumingiti pa sa kaniya. Naalala rin niya ang kaniyang amang may sakit na nagsabi pa ng, “Eva, kahit mahirap lamang tayo, ang dami naman ng karangalan natamo mo.” Ang mga salitang ‘yun ay pansamantalang nagpalubag ng kaniyang loob.

91 of 109

Tapos, biglang umambon.

Hindi umalis ang mga estudyante sa kanilang kinaroroonan. Hindi sapat ang ulan para iwan nila ang napakahalagang okasyon na ito sa kanilang buhay.

Ngunit ang saglit na pag-ulan ay sapat upang mabasa ang kanilang mga sapatos!

92 of 109

Ooops, biglang nagkaroon ng maliliit na ilog ang kaniyang pambihirang puting sapatos. Tahimik na tumangis si Eva, O hindi!

Pagkatapos, tumagas ang puting pintura kung kaya’t bigla itong naging mga itim na guhit. Hindi!

At nang tinawag na ang pangalan niya sa entablado, ang kaniyang mga sapatos ay mistula ng mga mantsa ng tintang itim. Hindi! Hindi! Hindi! Pagkatapos ay muling bumalik ang hitsura nito sa dating itim! Awww.

Namula si Eva. Nanlamig si Eva.

Nagmistulang buhay na patay si Eva.

93 of 109

Nagmistulang buhay na patay si Eva. Sobrang napahiya siya kung kaya’t nahiling niyang sana’y maging kasing-itim na lang siya ng kaniyang sapatos at tuluyan nang maglaho sa mga anino. Pero ang mga panauhing nanunuod, ang kaniyang mga guro at Prinsipal, ay malakas na pumapalakpak para sa kanya.

94 of 109

Nagsimula na ring ihiyaw ng mga kaklase niya ang kaniyang pangalan: E-va! E-va! E-va! Pilit siyang nagpakatatag. Umakyat siya ng entablado at tinanggap ang diploma at karangalang laan para sa kaniya.

95 of 109

Sa bahay, inihandog niya ang sertipiko ng karangalan at diploma sa kaniyang ama. Noong lamang niya ulit nakitang ngumiti nang ganun kalaki ang kaniyang ama mula nang ito’y magkasakit. “Ipinagmamalaki kita, anak. Pasensya ka na kung hindi ako nakasama para mapanuod ka.

“Nandun po ako!” tugon ng kaniyang kapatid.

96 of 109

Ramdam pa rin ni Eva ang pagkapahiya sa suot niyang masikip at maigsng hiram na damit at itim na sapatos.

Marahang sinabi ang kaniyang Inang, “Anak, wala kang dapat ikahiya; lahat ay dapat ipagmalaki sa iyo! Magaling ka, at sa kabila ng marami mong gawain sa bahay, nagawa mo pa ring magtapos nang may karangalan. Ang tagumpay ay hindi lamang tungkol sa pagkakaroon ng puting damit at puting sapatos.”

97 of 109

Sunod-sunod na napaubo ang kaniyang ama. Nang ito’y huminto, sinabi niya,” Kung pinaghusay mo ang bagay na ipinagkatiwala sa iyo, at ipinagpapasalamat mo ang mga ito, ‘yun ang tunay na diwa ng tagumpay.

98 of 109

Ipinagpatuloy ni Eva ang pag-aaral hanggang sa High school at kolehiyo sa tulong ng mga scholarship. Pinasok din niya ang kung ano-anong trabaho para masuportahanang kaniyang pag-aaral. Muli siyang nagtapos ng may mataas na karangalan. At siya’y nagkaroon ng pagkakataong makapagsanay at makapagtrabaho sa isang international company.

99 of 109

Makalipas pa ang ilang taon, nakapagtayo na siya ng sariling negosyo at naging matagumpay ito.

Ngayon, ang kaniyang kumpanya ay napakalaki na at napakarami na ring dapartamento. Isa sa mga ito ay tinatawag niyang “Thanksgiving Section” Dito, ang mga tauhan niya ay bihasang sapatero na gumagawa ng magagandang sapatos para ipamigay- kung kaya’t walang taong kakilala niya na magsasabing wala siyang maisuot na sapatos.

100 of 109

Hanggang sa ngayon, walang linggong nagdaraan na hindi naririnig ni Eva sa kaniyang puso ang ang tinig ng kaniyang ama. “Kung pinaghusay mo ang bagay na ipinagkatiwala sa iyo, at ipinagpapasalamat mo ang mga ito, ‘yun ang tunay na diwa ng tagumpay.”

O, nahuhulaan mo na ngayon kung bakit si Eva- o si Ginang Cruz o si Aling Sapatos- ay mahilig magpamigay ng sapatos sa bawat tao?

101 of 109

TALAGANG MAIPAGMAMALAKI ANG BAGONG BAYANI

NI

PAT A. STO. TOMAS

102 of 109

Talagang Maipagmamalaki ang Bagong Bayani

- Pat A. Sto. Tomas

Si Mildred ay inang may dalawang anak. Iniwan niya ang mga ito sa kaniyang asawang tricycle driver sa kanilang bayan sa Bambang, Nueva Viscaya, upang mamasukan bilang isang domestic helper sa Hongkong.

Sa umpisa, maayos naman ang kalagayan ni Mildred subalit ang lahat ay nagbago noong 2007 nang siya ay pinagsamantalahan ng kaniyang amo.

103 of 109

Katulad ng isang disenteng Pilipina, si Mildred ay nagreklamo sa mga awtoridad sa Hongkong sa ginawa sa kaniya at umalis bilang katulong sa kaniyang amo. Ang masaklap sa regulasyon pala ng pamahalaan ng Hongkong, pinagbabawalang ma-empleyo ang complainant kapag ang kaso nito ay naka-pending pa sa korte tulad ng kaso ni Mildred.

Kaya sa isang iglap biglang naglaho ang magandang kinabukasang pangarap ni Mildred sa kaniyang mga anak. Nahinto sa pag-aaral ang kaniyang mga anak, at siya mismo ay hindi malaman kung papaano susuportahan ang sarili sa Hongkong

104 of 109

Kaya napilitan si Mildred na mamuhay katulad ng scavengers na ating nakikita rito sa atin na naghahalungkat sa mga basurahan upang makahanap ng mga bagay na maaaring ipagbili upang kumita. Sa kaso ni Mildred, ito ay mga lata ng softdrinks, mga cardboards at iba pa na maaaring mabenta, at kahit papaano’y nakapagbibigay sa kaniya ng HK$38 o Php228 sa isang araw kung siya ay palarin na makakuha ng marami-rami nito sa mga basurahan.

105 of 109

Ganito ang naging buhay ni Mildred sa Hongkong sa loob ng mahigit sa isang taon hanggang sa ngayon. Subalit posibleng magbago na ito kahit papaano matapos mangyari ang isang dakilang desisyon na kaniyang ginawa noong April na talaga namang kahanga-hanga at maipagmamalaki nating mga Pilipino.

Noong April 24, habang si Mildred at ang kaniyang kasama ay naghahalungkat ng basura sa kanto ng Pottinger Street at Des Voeux Road sa Yueng Long area doon sa Hongkong, siya ay nakadampot ng isang envelope na ng kaniyang buksan ay tumambulad sa kaniyang paningin ang maraming dolyar at mga tseke.

106 of 109

Ayon sa report, ang pera ay may kabuuang cash na $176,000 na binubuo ng tig-iisang libong dolyar at mga tseke sa US dollars at Hongkong dollars. Ang kabuuang halaga na nakapaloob sa envelope kung pagsasamahin ang cash at tseke ay umaabot sa HK$350.545 o nasa P2.1 million sa peso.

Ang una niyang naisip ay tawagan ito at alamin kung ito ang tunay na nagmamay-ari ng naturang pera upang kaagad niya itong maisauli. Subalit dahil sa lagpas na sa office hours ng siya ay nakatawag nag-iwan na lamang siya ng mensahe sa recorder tungkol sa perang napulot niya at nais niya itong isauli sa tunay na nagmamay-ari.

107 of 109

Kinabukasan, nakipagkita sa kaniya ang isang opisyal ng kompanya kasama ang empleyado na may dala ng nawalang pera na dapat pala ay idedeposito niya sa banko. Sobra ang pasasalamat ng mga ito sa ginawa ni Mildred at bilang pagtanaw ng utang na loob, binigyan nila si Mildred ng isang lata ng butter cookies.

Sa isang panayam, sinabi ni Mildred na nahirapan daw siyang matulog sa pag-iisip sapagkat napakalaki ng halagang kaniyang napulot at sobra o higit na ito sa kakailanganin niya upang makauwi na rito sa Pilipinas.

108 of 109

Subalit naisip din daw niya na baka ang taong nakawala ng pera ay isang ordinaryong empleyado lang na may pamilyang umaasa rin sa kaniya at maaaring mawalan ng trabaho dahil sa pagkawala niya ng pera. Hindi raw makaya ng kaniyang konsensiya na itago ang pera sapagkat habang buhay ito ay magpapahirap sa kaniyang kaisipan. Kaya minabuti niyang ibalik ang pera sa tunay na may-ari.

Kinikilala ng Provincial Government ng Nueva Viscaya ang ginawa ni Mildred sa pamamagitan ng pagpasa ng isang resolusyon na nagbigay puri sa kaniya “for her display of exemplary honesty”.

109 of 109

Bilang pasasalamat ang provincial government ng Nueva Viscaya ay naglaan ng Php50,000 bilang initial assistance sa pamilya ni Mildred.