HIMAGSIKANG ROSAS NGAYON!
[PAHAYAG NG KATIPUNAN NG MGA NAGKAKAISANG ARTIST, EDUKADOR, MANGGAGAWANG PANGKULTURA, MANUNULAT, AT HISTORYADOR PARA KAY LENI]


Dumatíng na. Malinaw na ang lahat ng hudyat at palatandaan. Narito na ang ikatlong himagsikang Filipino—ang Himagsikang Rosas. Sa wakas, nagkaisang lakas ang mga artist, edukador, manggagawang pangkultura, manunulat, at historyador upang itaguyod ang Pagbabagong Pambansa sa pangunguna ni Leni Robredo.

Mula sa inspirasyon ng Himagsikang 1896 at sa diwa ng Filipinismo nina Rizal, Plaridel, Bonifacio, Jacinto, Mabini, Quezon, Recto, at marami pang bayani ng kalayàan at katarungang panlipunan, tinatawagan namin ang lahat ng mga kababayan upang manindigan para sa isang Bagong Republika ng Filipinas at para sa katuparan ng mga simulain ng Himagsikang Rosas:

Na nakasalig sa paniwalàng ang mga Filipino ay may sariling bait, malikhain, makatarungan, at marangal;

Na mabibigkis ito ng isang pámahalâang gumagálang sa mga karapatang pantáo ng mga mamamayan, tumatangkilik sa pamánang pangkultura ng lahi, nagpapairal ng batas at katwiran, nagsusulóng ng pambansang kaunlaran nang nangangalaga sa lupain, tubigan, halaman, hayop, at yamang-likás ng bansa, at tumitingala sa malikhain at siyentipikong talino na may adhikang magdulot ng pagbabago at ginhawa sa sambayanan;

Na magiging ganap at walang-humpay ang pagbáka ng lahat at ng pamunuang-bayan laban sa korupsiyon, baluktot na mga hálagáhan, pagsasamantala sa maralita, monopolyo sa negosyo, dinastiya at oligarkiya sa politika, samantalang tumutulong sa pagsugpo sa kamangmangan, mahinàng literasi, at bisyo sa hanay ng sambayanan;

Na ang matinding pag-ibig sa bayan, dalisay na pagmamahal sa sariling kultura at kasaysayan, bayanihan, pagdadamayan, malayàng paglikha’t pagtuklas, at tulong-tulong na pagsisikap ang tunay na landas para sa pagsasarili, kaginhawahan, kaunlaran, at tagumpay ng Filipinas sa piling ng mga bansa sa daigdig.

Kalakip ang aming pag-asa na ang Himagsikang Rosas ang papatnubay sa isang mapayapàng pambansang pagbabago sa pamamagitan ng Halalang 2022.

Mabuhay si Leni Robredo at ang kaniyang mga kasámang kandidato! Mabuhay ang Himagsikang Rosas!

Mga kakampink at mga kababayan! Magkaisa sa Laban ni Leni para lumayà ang Filipinas sa paghihirap at kamangmangan! Ngayon na, ngayon na ang Himagsikang Rosas!


[IPAHAYAG ANG INYONG SUPORTA SA PAMAMAGITAN NG PAGBIBIGAY NG INYONG PANGALAN SA IBABA]
PANGALAN (Hal. Juan de la Cruz) *
Submit
Clear form
Never submit passwords through Google Forms.
This content is neither created nor endorsed by Google. - Terms of Service - Privacy Policy

Does this form look suspicious? Report