Franklin Gelard L. Saballa

16 December 2011

Paper #1

 

Sa pagtalakay ni Madan Sarup sa mga pagbabagong naganap (at patuloy na nagaganap) sa modernong lipunan, sa pamamagitan ng pagtukoy at pagsisiyasat sa iba’t ibang ideya na nauukol sa paksa ng “postmodern age” sa mga naisulat ng French thinker na si Jean-Francois Lyotard, makikita ang isang pagsisiwalat ng “linguistic turn in science and technology” at ang mga implikasyon nito sa kondisyon ng “knowledge,” o kaalaman. Ayon sa The Postmodern Condition, ang malaking pagbabagong naganap sa larangan ng teknolohiya sa huling 40-taon ay nakapagdulot rin ng isang malaking pagbabago sa pagtingin at pag-intindi sa konsepto ng kaalaman. Inilalarawan ito ng tuluyang paglipat ng interes ng mga nangungunang siyensiya at teknolohiya tungo sa sistemang lingguwistiko – ang paglipat ng interes tungo sa “…theories of linguistics, problems of communication and cybernetics, computers and their languages, problems of translation, information storage and data banks.” Ang pagbabagong ito ay nagkaroon ng matinding epekto sa layunin ng siyensiya; mula sa paghabol sa mailap na konsepto ng obhetibong katotohanan (objective truth), ang siyensiya sa panahon ng postmodern ay mas nakatuon na ngayon sa “performativity,” o ang paghanap sa pinaka-episyenteng “input-output equation,” isang repleksiyon ng paglipat ng layunin ng siyensiya mula sa isang “end,” tungo sa “means.” Sa ganitong diwa, makikita natin ang siyensiya ngayon ay ating maituturi bilang isang “game of the rich.”

Kung babalikan ang ideya ni Lyotard na hango mula sa konsepto ng “language game” ni Ludwig Wittgenstein, ang language game mula sa perspektibo ni Lyotard ay parang isang pagtutugis sa pagitan ng dalawang tuso, na mayroong pinag-kasunduang patakaran sa pagitan ng dalawa, at kung saan nakahanda ang lahat ng munisyon (“questions, requests, narratives…”) upang makuha ang panalo. Aniya, ang siyensiya ay bahagi ng isang (o marahil ay isa mismong) “language game” na sumasabilang sa kategoryang “denotative.” Mayroon itong sariling patakaran, kung saan ang “sender” ay kailangang makapagbigay ng pruweba sa kanyang mga pahayag habang ipinagtatanggol ang parehong pahayag mula sa tumututol o sumasalungat na pahayag. Sa pagdating ng rebolusyong Industriyal, ang dati’y magkahiwalay na ideya ng pera at siyensiya ay nagkaroon ng ugnayan sa pagkadiskubre ng mga teknolohiyang na naiangat ang kapasidad ng produksiyon at siyang nakatulong sa pagkilos ng kapital. Mula rito, nagsimula ang proseso patungo sa nasabing “linguistic turn” kung saan umangat ang impormasyon bilang pangunahing at pinakamahalagang bunga para sa pagbabago ng iba’t ibang antas, mula sa sistema ng pera at pangangalakal hanggang sa politikal, panglipunan, at pang-kapangyarihang diskurso. Kaakibat ng mga konsepto ng “language game” at “game of the rich,” nagiging mahalaga ang impormasyon bilang pinagkukunan ng kaalaman (mga pruweba, pahayag, at teorya) na maaring gamitin sa pakikipagdiskurso sa siyensiya, o ang “language game” nito. Dahil sa kasalukuyang relasyon sa pagitan ng gastos at produksiyon ng impormasyon, mas may kakayahan ang mga mayayaman na maglabas ng impormasyon at kaalaman, na siyang nagpapalaki ng kanilang pagkakataon na maging tama.

Sa aking tingin, ang metaporang digmaan na ginamit sa pagtalakay ni Madan Sarup sa mga ideya ni Lyotard ay isang angkop na paghahalintulad dahil sa kalikasan ng dalawang sitwasyon. Mayroong tunggalian, may mga patakaran, may kagamitan na nagbibigay ng lamang, at higit sa lahat, may nanalo at may natatalo. Kung babalikan ang mga digmaang naganap sa kasaysayan, sino nga ba nagkaroon ng mas magtatagal na impluwensiya? Ang nanalo, o ang natalo? Sa diskurso ng siyensiya, ang Makikita rito ang ilang pagpaparis sa pagitan ng paksa (siyensiya) at metapora (digmaan) na marahil ay dulot ng kanilang pagkakalubog sa usapan ng kapangyarihan.

Subalit sa harap ng mga pagkakaparis ng dalawang konsepto, mayroon pa ring punto kung saan ito nagkakaiba. Isang pagkakaiba na nauukol sa papel na ito ay ang isyu ng lehimitasyon. Maraming konkretong dahilan kung bakit nagkakaroon ng giyera (maaring ekonomiko, politikal, atbp.), ngunit paano nga ba ginagawang lehitimo ang siyensiya? Mula sa metapora ng digmaan, maari nating ibigay bilang halimbawa ang produksiyon ng pinaka-unang atomic bomb. Ito ang naging bunga ng “Manhattan Project” at ang kasunod na pagbagsak ng dalawang atomic bomb na pinangalanang “Fat Man” at “Little Boy” sa siyudad ng Hiroshima at Nagasaki. Malawak ang naging epekto nito sa iba’t ibang antas ng global na estruktura. Mula sa pinansyal na katayuan, tinatayang halos dalawang bilyong dolyar ($1,889,604,000 ayon sa tantiya ng Brookings Institution) ang ginastos ng Estados Unidos noong panahong iyon sa produksiyon ng mga bomba. Halos $20-bilyon ang magiging gastos kung ilalapat ang halaga sa konteksto ng modernong ekonomiya. Hindi pa kabilang dito ang dami ng sakuna na sinapit ng Japan sa pagsabog ng bomba at ang kasunod na fallout. Ngunit sa loob ng lamang ng ilang taon pagkatapos ng pambobomba, agad-agarang itinatag ng pamahalaan ng Soviet Union, sa ilalim ni Joseph Stalin, ang kanilang sariling nuclear program. Isa sa naging produkto ng Soviet Nuclear Program ay ang “Tsar Bomba,” ang pinakamalakas na nuclear bomb na pinaputok sa kasaysayan. Inilalarawan ng mga pangyayaring ito ang nakakasindak na potensyal ng siyensiya bilang isang instrumento ng pagbabago, masama man o mabuti ang pagbabagong ito para sa mundo. Ngayon, ano nga ba ang dahilan o prinsipyo sa likod ng lehitimasyon ng siyensiya sa harap ng mga insidenteng tinalakay? Ano dahilan kung bakit mayroong mga labag sa pananaliksik tungkol sa stem cell at ang mga posibilidad na dala nito, habang ang iba naman ay sang-ayon sa pakikipag-digmaan?

Ayon kay Lyotard, mayroong tinatawag na “narrative knowledge” na siyang nakikipagkumpitensiya sa “scientific knowledge,” sa kalahatan ng kanilang pamumuhay. Ito ay dahil sa magkasalungat na posisyon ng dalawang uri ng kaalaman. Ang kaalamang naratibo (narrative knowledge) ay may sariling pangkat ng pangkataran na nagsisilbing balangkas kung saan ang komunidad at ang interaksyon na nagaganap sa kanilang lipunan ay nangyayari. Aniya, ito ang nagsisilbing tagapaghatid ng patakaran sa pagbuo ng panlipunang relasyon. Ang kaalamang siyentipiko (scientific knowledge), bilang isang uri ng kaalaman kung saan lahat maliban sa kategoryang “denotative” ay hindi kasama sa pagbuo ng patakaran, ay mayroong mababang pagtingin sa naratibong kaalaman bilang “savage, primitive, underdeveloped, backward, alienated, composed of opinions, customs, authority, prejudice, ignorance, ideology…” Ang kaalaman dito ay mga alamat at mito na walang depinitibo o obhetong pruweba sa katotohanan; sa madaling salita, ito ay puno lamang ng mga haka-haka.

Ngunit sa isang tumbalik na pangyayari, isinaad ni Lyotard na maaabot lamang ng siyentipikong kaalaman ang “tunay na kaalaman” (true knowledge) kung i-uugnay nito ang sarili sa mga naratibong kaniyang minamaliit. Ito ay dahil ang mga bunga at produkto ng siyensiya ay mayroong pangangailangan sa lehitimasyon na makukuha lamang mula sa pagtanggap ng publiko. Ano nga ba ang kapangyarihan ng isang imbensyon, kung tulad ng isang aktor o mang-aawit na pinaghirapan ang kanilang akto, ay wala itong “audience” na tatangkilik dito? Paano kung hindi sumang-ayon ang imbensyon sa paningin at opinyon ng publiko? Tulad nga ng nasabi na, ang laro ng siyensiya ay mayroong sariling patakaran para sa mga manlalaro. Ngunit kailangan ring kilalanin ng mga manglalaro ang pagkakaroon ibang elemento sa labas ng kanilang “language game,” mga elemento na marahil ay abala rin sa kanilang sariling laro na? Dito pumapasok ang naratibong kaalaman: ang estado, ayon kay Lyotard, ay gumagastos ng napakaraming pera upang ipakita ang identidad ng siyensiya bilang epiko sa kalipunan. Gumagamit ang siyensiya ng mga naratibo – ang kalayaan ng sangkatauhan at ang teoretikal na pagkakalipon ng lahat ng kaalaman – upang maabot ang lehitimasyon na makukuha mula sa publiko. Sa aking tingin, makikita sa prosesong pagsasama ng naratibo at siyentipikong kaalaman ang paglipat ng interes ng lipunan ng siyensiya mula sa “ends” tungo sa “means;” dahil sa ganitong paraan, tila nangunguna na ang kapakanan ng tao kaysa sa paghahanap ng obhetibong katotohanan o “totoong kaalaman” na orihinal na layunin ng siyensiya.

 

 

Source: